Wednesday, July 27, 2005

ang aking panaginip

Maliwanag dahil sa napakataas na araw, mainit, pero mahangin. Puro damo ang aking natatanaw, at langit na walang ulap. Tila may inaantay ako. May mga kasama ako pero di ko sila kilala. Parang sabik din sila sa kanilang inaantay. Ako nama'y may nararamdaman sa aking dibdib na higit pa sa simpleng sabik...para akong kinakabahan...bakit? Sino kaya ang aming inaantay? Medyo naninikip ang aking dibdib kaya ako'y nagsigarilyo muna sa likod ng isang maliit na gusali sa gitna nung burol na pinagaantayan namin.

hithit...lulon...buga...sindi ulit ng pangalawa...

Maya maya, nakarinig na ko ng ingay. Mga tawa at tili nung mga nagaantay. Andito na ang aming inaantay, kung sino man sya. Lumabas ako ng nakayuko...kinakabahan nang sobra. Lumapit ako sa mga tao, di makatingin. Biglang may sumigaw ng pangalan ko. Ako'y tumingin dahan dahan...at nakita kita, pero di ko alam kung sino ka, dahil di pa kita nakikita bago nito. Nakita kita, nakatayo, mga kamay ay magkahawak, nakangiti. Kay gandang ngiti. Kay gandang mukha. Maliit, mahaba ang buhok.

Kay gandang mukha.

Marahil itatanggi mo ang aking nakita... pero naniniwala akong higit pa sa pisikal na anyo ang aking nakikita...nakikita ko pati ang iyong taglay na panloobang kabutihan...parang kang anghel. Ano to? bakit ganito ang tibok ng puso ko? Sino ka ba? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Parang sasabog ang kalamnan ko. Di ko alam kung ano ang gagawin ko...bakit ganito ang aking nadarama? Ang ganda ng ngiti mo.

Ang ganda mo.

Natigil ako sa aking kinatatayuan. Lumalapit ka pero parang gusto ko umatras at tumakbo! Pero di ako makagalaw. Andyan ka na pala sa harap ko. Palapit pa ng palapit...hanggang dumampi ang napakalambot mong labi sa aking pisngi. Para akong mamamatay! Bakit ganito? Sino ka?! Di ko maintindihan ang panaginip ko. Di dapat ganito nararamdaman ko. Bakit ganito? Parang napakatagal ng halik mo...pero sa katunayan sandali lang pala dahil may tumawag sa pangalan mo. Lumingon ka sa likod mo, at sa akin muli...pero nawala na ang ngiti mo. Lumapit ang lalaking tumawag sa yo. Matangkad. Maputi. Gwapo. At pinakilala mo ko. May binigkas kang pangalang di ko na maalala. “Ang aking asawa". Nagunaw ang mundo ko! Pero bakit? Sino ka ba? Sino ba ko sayo? Bakit ako galit sa kanya? Sino ba ko para damdamin ang sitwasyong ito?

Sino ka ba?.

Bigla na lang, tulad ng mga panaginip, nag iba ang lugar. Nasa tabi tayo ng isang lawa . Tayong dalawa lang. Di tayo nagsasalita, walang ingay. Tahimik ang mundo. Pinipilit mong ngumiti pero alam ko malungkot ka. Ako din. Pero di ko alam kung bakit. Bakit? Sino ka ba? Bakit ganito? Tahimik ang paligid. Walang nagsasalita. Pero magkayakap tayo. Mahigpit.

Nagbago ulit ang paligid. At kami naman ng asawa mo ang magkausap. Di ako makatingin. Di ako makasagot ng maayos sa kanyang mga tanong. Samantalang ang tanong nya ang tungkol lamang sa kung ano anong bagay. Bakit? Sino ka ba? Sino ba ko sayo? Bakit di ako makatingin ng maayos sa mata ng iyong asawa??

Sino ka ba?

Nagbago ulit, sa huling pagkakataon. Nasa simbahan tayong lahat. Sa gitna pa rin ng burol. Pero parang nagpapaalam na kayo. Malungkot ka. Malungkot ako. Parang gusto kong mamatay. Ngumiti ka sakin. May ningning ang mga mata. Ngunit nakita ko na dahil pala ito sa munting luhang namumuo, at tinamaan ng sikat ng araw. Sa malayo, maitim ang ulap. At duon kayo papunta. Nagpaalam ka. Pero di mo na ko nakuhang halikan, hinila ka na ng iyong asawa. Umalis na kayo. Naiwan ako dun. Magisa. Umiiyak. Pero bakit? Naguguluhan ako. Bakit ganun ang aking nararamdaman? Sino ka ba?. Bakit ganun...parang labis kitang mahal? Parang gusto kitang makasama habang buhay. Pero bakit? Bakit ganon?

Bakit ganon...

Tumayo ako at naglakad. May nakita akong salamin. Tumingin ako at nagulat. Di ko muka ang aking nakita. Di ako ang nasa harap ko.

Ang nasa harap ko ay SINGKIT. GWAPO. HINDI AKO.

Sino ba ako?

Pag gising ko, napangiti ako. Di na ko nagtanong kung bakit ganun ang aking nararamdaman. Naintindihan ko na ang lahat.

Panaginip lamang talaga. Walang ibig sabihin.



4 Comments:

Blogger isha said...

but dude. you are singkit.

4:31 AM  
Blogger evil_eye said...

nyahaha.

sardonic, as always.

of the two adjectives, you chose to see me as singkit.

i'm neither. take a closer look. ;-)

11:48 PM  
Blogger isha said...

I want to blooooog. waahh. but i have a gazillion plates to do. And if you noticed, I adjusted the EELS spelling. :p cheers!

7:41 PM  
Blogger tobie said...

Interesting...

Dude, you write really really well! I can't even write in Filipino!

5:53 PM  

Post a Comment

<< Home